Olats
- maoydialogues
- May 30, 2023
- 2 min read

Talo, apat na letrang kasing sakit ng mga pangakong napako
Mga titik na di mo alam kung paano lulunukin, buo ba o pagpipirasuhin
Sabi nga nila, di ikaw yong talo kapag maaga pa ay natigil na ang kahibangan
Pero kung di ako talo, bakit parang ang bigat ng sakit na nararamdaman?
Kung di ako talo bakit parang ang laki ng nawala
Kung di ako talo bakit parang ako lang ang nagluksa
Sa sobrang kampante ba kaya naging bulag at unti-unting naglaho
Naglaho ang pagmamahal at napapalitan ng galit ang puso
May mga maling kaya naman pag-usapan ng masinsinan
Pero bakit sa iba ka naghanap ng kanlungan
Siya na ba ang iyong pahinga habang ako naging daan mo papunta sa kanya
Siya na ba ang iyong dulo habang ako ang siyang tulay upang siya'y maabot mo
Minahal mo ba talaga ako o sadyang napilitan ka lang dahil sa mga kaya kong ibigay
Sa sobrang pagmamahal ko sayo di ko alam sarili kong mga dahon ay naging matamlay
Na sa panahong dinidiligan ko mga pangarap mo, nakalimutan kong alagaan sarili ko
Kailangan ko rin pala ng baterya para umusad tulad ng pag-usad mo
Diko namalayan na umuusad ka papalayo, habang ako ay nananatili pa rin sa likuran mo
Habang tanaw kita sa malayo, naisip kong ako naman siguro
Na gawin ko naman yung ikakasiya ko kasi ang akala ko maiintindihan mo
Di ko namalayang sa sobrang saya ko naging komportable akong katabi ka
Nasa tabi nga kita pero ang puso't isipan mo nasa iba
Sabi mo tapos na kayo pero bakit parang kasalanan ko, bakit parang kasalanan kong pumagitna na naman sya
Di lang sya pumagitna, siya pa mismo humahatak sa'yo palayo sa 'kin at lumaki lalo ang ating distansya
Di na kita abot, di ko sya abot. Pag-usad ko ay kay tumal, kasi ang hirap kapag sya ang naging batayan ng aking pagmamahal
Ano bang nagawa ko na nahigitan niya, ano bang ginawa nya na di ko nagawa
Ano bang meron sa kanya na wala ako, ano ba ang kaibahan ng luma sa bago
Ang dami kong tanong, dami kong iniisip
Pilitin mang maging masaya pero dala ko ang sakit hanggang sa panaginip
Natalo tayo sa biro ng tadhana, ay di pala 'tayo' - ako lang pala
Laging talo, puro simula di mahanap ang dulo
Olats na naman, kailan kaya ako mananalo.
Comments